Mukha ni kamatayan

Litaw ang ngipin niya sa pagkakangiti at walang laman ang mata kundi dalawang butas na itim. Kulay-violet ang kanyang mukha kahit maliwanag ang mga ilaw. Kung may talukbong siya at kalawit, parang nakita ko ang mukha ni Kamatayan!

Sa kasaysayan ng mundo, maraming katibayan na ang naglabasan na ang mga tao ay paminsan-minsang nakakakita ng mga darating na mangyayari. May mga taong tinataguriang psychic na sinasabing natatanaw ang future. Kadalasan, ang mga
darating na pangyayari ay nakikita sa mga panaginip o kapag ang sariling
nilalang ay wala sa kanyang kamalayan.

Subalit meron din namang pangyayaring nakikita kahit ang tao ay gising na gising. Tunghayan natin itong kakaibang karanasan ni Nick Hilis, isang Kapitan ng Philippine Marine contingent na nakadestino sa Basilan.

Isang taon na si Nick sa Basilan. Bagaman may namamagitang peace talks sa pagitan ng gobyerno at MILF, ilang battallion ng marine ang nakadestino sa Mindanao na ngsisilbing tagapamayapa sa lugar na maraming mga Kristiyano ang nagiging biktima ng karahasan. Ang platoon ni Nick ay isa sa mga grupo ng Marines na nagpapatrulya sa bayan at sa kabundukan ng Lamitan. Marami sa mga sundalo ang nagdarasal na sana ay matapos na ang sigalot na kumikitil sa buhay ng maraming Muslim at Kristiyano na pareho namang mga Pilipino.

Isang umaga, pumasok si Nick sa mess hall ng kampo kasabay ang kaibigang si Jorge. Sa isang mesa, isang grupo ng sundalo ang maagang nagkakasayahan na wari’y may ipinagdiriwang. Isa sa mga ito si Remy, na kilala ni Nick bilang isang squad leader.

Umupo ang magkaibigan sa isang bakanteng mesa at umorder ng almusal. Masayang nagkukwentuhan ang dalawa nang biglang sumambulat ang malakas na tawanan sa mesa nina Remy. Nakatawa ring napatingin si Nick sa grupo. Ganito ang kanyang kuwento:

“Napalingon ako dahil sa tawanan nila Remy. Nakita ko si Remy na umiikot sa mga kasama niya na nakaupong paikot sa mesa. Nakatalikod siya sa akin at isa-isang tinatapik ang balikat at likod ng mga ito na waring nagsasabi ng good luck sa mga ito. Nang pabaling na uli ako sa kasama ko, nakapaharap na siya sa akin.

“Napatda ako dahil parang may nakapaikot na maliwanag na usok kay Remy na kulay berde samantalang bombilya ang ilaw sa mess hall kaya dapat ay kulay orange ang liwanag na manggaling dito. Litaw ang ngipin niya sa pagkakangiti at walang laman ang mata kundi dalawang butas na itim. Kulay-violet ang kanyang mukha kahit maliwanag ang mga ilaw. Kung may talukbong siya at kalawit, parang nakita ko ang mukha ni Kamatayan! Kumalat iyong berdeng usok at pinaikutan ang mesa nila Remy.”

Panay ang hila ni Jorge sa manggas ng uniporme ni Nick.

“Pare, ano bang nangyayari sa iyo?” usisa ni Jorge. “Bakit bigla kang namutla? Para kang nakakita ng multo!”

“Nakakita talaga ako ng multo,” sagot ni Nick. “Si Remy ay parang naging si Kamatayan.”

Tumingin si Jorge sa nagbibiruang mga sundalo subalit wala naman siyang nakitang hindi pangkaraniwan. Masaya ang mga ito at walang pakialam sa mundo. Ipinagpatuloy ng dalawa ang kanilang almusal at hinayaan ang kasayahan sa kabilang mesa. Iyon na ang huling pagkakataong nakita nila ng buhay ang squad na iyon ni Remy.

Nang hapon ding iyon, habang nagpapatrulya, tinambangan ng mga bandidong Abu Sayyaf ang trak na sinasakyan ng grupo ni Remy sa kabundukan ng Lamitan. Lahat silang sakay ng trak ay napatay. Huli na nang dumating ang saklolo. Lahat ng sakay sa trak ay ang mga sundalong tinapik ni Remy nang umagang iyon sa mess hall sa kampo.

“Noon ko nalaman ang ibig sabihin ng nakita ko nung umagang iyon,” salaysay ni Nick. “Yung kulay berdeng nakapaikot kay Remy ay simbolo ng mga dahon sa gubat. Doon sila itinakdang magkikita ni Kamatayan.”

Wakas